
Isang malaking karangalan para sa bawat Pilipino ang magkaroon ng matatawag na wikang pambansa , ito ay ang wikang “Tagalog”. Ito’y isang simbolo ng pagiging ganap na malaya ng ating bansa mula sa mga dayuhang sumakop sa atin.At dahil dito umusbong sa ating mga ninuno ang napakaraming literatura gaya ng sabi (maxim), salawikain (proverb), bugtong (riddle), talindaw (boat song), kumintang (war song), uyayi (lullaby), dalit at umbay, ihiman (bridal song). Andyan din ang Balagtasan at Tawag ng Tanghalan sa mga awiting tagalog. Dito na nagsimulang dumami ang bokobularlyo ng wika natin. Ang iba ay hango na rin sa kastila dahil sila ang mga unang nanirahan at sumakop sa atin.Nalaman ko ang kahalagahan ng ating wika sa dalawang pagkakataon. Una ay ng ako ay matira sa bansang Korea ng isang taon. Isang maunlad na bansa ang bansang Korea. Halos mas nakakaahon pa ang Pilipinas noong dekada 80, pero sa ngayon ay napakalayo na ng agwat nito sa atin. At isa sa mga dahilan nito ay ang pagiging nasyonalismo ng bawat mamamayan. Lahat ay gumagamit ng kanilang sariling wika at tumatangkilik ng mga lokal na produkto.
Sobrang nakakangulila duon, at isa sa nakakapagpasaya sa akin ay ang pakikisalamuha sa kapwa Pilipino. Napakasarap pakinggan ang sari-saring kwento at balita sa wikang pilipino lalo na kung ikaw ay nasa dayuhang bansa. Halo-halo na, andiyan ang Ilokano,Cebuano, Bicolano, Visaya, Manileño atbp. Ilan na nga ba ang lahat ng diyalekto ng Pilipinas? Nasa 79 na yata hindi pa kasali diyan yung salitang kalye (hal. jeproks, jologs, palpak, astig…) at salitang bading (hal. chenes, jowa, wiz, apir, jombag…). Malamang eh mabuwang ako kung wala man lang akong makausap kahit isang Pilipino sa isang taong inilagi ko duon.
Sa pangalawang pagkakataon naman ay ng makilala ko si Father Walter. Isa siyang banyagang pari buhat sa Europa. Napakadakila ng kanyang hangarin na matutunan ang wikang tagalog. Ito ay para magamit niya sa kanyang pagmi-misa, upang mas maintindihan siya ng bawat taong dumadalo ng kanyang misa. Naging matagumpay naman siya sa kanyang misyon at mas maigi niyang naihatid ang mga salita ng Diyos sa kanyang paroko.
Mas uunlad ba ang Pilipinas kung hindi tayo gagamit ng dayuhang wika? Sa panahong kasalukuyan sa palagay ko ay hindi. Dahil na rin sa bagong henerasyon, hindi maiiwasan ang paggamit ng Taglish o pinaghalong Tagalog at English, at dahil na rin sa napakaraming salitang Ingles na walang bersyon sa Tagalog, lalong-lalo na sa mga teknikal o siyentipikong salita.
At para na rin sa Internasyonal na pangangailangan katulad ng pandaigdigang komersyo, isang paraan upang makasabay at mas maintindihan tayo ng ibang bansa ay ang gumamit tayo ng salitang Ingles. At maganda ang rekord nating mga Pinoy sa pagbigkas at pag-unawa ng salitang Ingles. Isa ng pruweba dito ay ang biglang pagdami ng “Call Center” dito sa atin. Hindi po ito yung mga nasa night club (call boy at call girl). Sila po ay iyong mga nasa mga sikat na mga kumpanya ng mga multi-nasyonal na handang sumagot sa mga tawag ng kustomer buhat sa ibang bansa. Itinuturing na isa sa pinakamahusay magsalita at umintindi ng Ingles ang mga Pilipino kung kaya’t dito sila nagsipagtayo ng opisina.
At sa ating mga blogero at iba pa, hindi man natin gamitin ang ating sariling wika sa ating blogs, trabaho, mitings, seminar, eskwelahan, o saan pa man, sana naman huwag natin itong kalimutan pagdating sa ating bahay o pakikipag-usap sa ating mga kaibigan. Patuloy pa rin tayong lumikha ng magagandang awitin, tula, aklat, kuwento at iba pa, gamit ang ating sariling wika. Isang ehemplo na rito ay ang pangalan ng sayt na ito. Ahemm Pinoy na pinoy!
Huwag sana tayong matulad sa ibang tao na nanirahan lang sumandali sa dayuhang bansa pagbalik dito sa atin ay dayuhan na rin sa isip, sa salita at sa gawa.
Siguro nag-bow kayo pagkabasa nung titulo ng artikel ko noh?

presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: “Maraming Wika, Matatag na Bansa”Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions - Web Design and Development
Yehey.com - Pinoy to p’re
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ¡n hip Philippine Encyclopedia


